Pagod na ang katawan
Ngunit gising pa ang malay,
Naglalakbay.
Paroo't parito,
Ang mga larawan ng kahapon at ngayon
Ay binabalasa ng isip.
Ang mga hugis at hubog na tinunaw
Ng bilis ng pagsasalin-salin
Ay naglalaro, nagsasayaw
Sa likod ng natatanaw.
Ano'ng tunay, ano'ng likha?
Mga ala-alang nangungutya
Sa nagnanangis, sa lumuluha
Sa nagbibilang ng panata.
Kung bakit ba naman
Ayaw dalawin ng idlip
Ang diwang nagpupumilit
Na ikahon ang ngayon at kahapon.
Ipagpabukas ang kabanata
Ng kwentong hinahabi,
Upang sa kasalukuyan
Ay gisingin ang panaginip.
Humimlay, huminga
Magbilang ng mga sandali.
Magparaya sa daloy ng panahon,
Magtiwala sa mga alon.
Huwag pilitin.
Huwag lumangoy,
Huwag lingunin ang panaghoy,
Pagkat ang malunod sa kawalan
Ay s'yang paghinga ng katawan.
No comments:
Post a Comment