Thursday, August 30, 2007

Mga Nilalang sa Hayupan ni George Orwell

Insired by Jego, who has begun translating CS Lewis into Filipino, I begin my translation of George Orwell's Animal Farm. He was probably spurred by the discussion at Manolo's blog over the lack of good translations of English works into the vernacular. I took the liberty of changing the setting from England to the Philippines. Inihaw, pagdamutan po ninyo ang aking pagsasalin.

-----

Unang Kabanata (a)

Lango sa alak, nalimutang itangkal ni Manong Juan ang pinto ng manukan. Tangan ang dumuduyan-duyang lampara, siya’y tumawid patungo sa bahay. Sa likurang pinto, kanya’ng inalis ang bota, at saka naghanda ng huling baso ng tuba bago pa man umakyat sa silid-tulugan. Naroong malalim na ang tulog ng naghihilik na asawa’ng si Aling Huling.

Sa saglit na namatay ang ilaw sa silid, napainlanlan ang mga kaluskos sa mga maliliit na gusali ng bukirin. Buong araw na’ng kumakalat ang balita’ng mayroong nais ibahagi si Tandang Kapitan, isang pagkalaki-laking baboy-ramo. Nais nitong ikwento ang napanaginipan ng nakaraang gabi. Napagkasunduan ng lahat na magtipon-tipon sa kamalig sa oras na mahimbing na sa tulog si Manong Juan.

Gawa ng paghanga’t paggalang kay Tandang Kapitan, handa ang lahat na magpuyat ng kaunti upang marinig ang kung anumang nais nitong sabihin.

Sa dulo ng kamalig, sa ibabaw ng isang maliit na entablado, naroong nakahimlay si Tandang Major sa palumpon ng dayami. Sa nagdaang labin-dalawang taon, malaon na itong tumanda’t nanaba, ngunit bakas pa rin sa tindig nito ang kakisigan.

‘Di nagtagal at nagsidatingan na ang mga hayop. Nagsi-ayos ang mga ito, naghanda’ng makinig. Unang dumating ang tatlong aso – sina Bughawin, Jessie at Pingkian, pagkatapos ay ang mga baboy, na agarang pumuwesto sa harap ng entablado. Tumuntong ang mga inahin sa may bintana, habang ang mga kalapati’y dumapo sa mga kilo ng kamalig. Ang mga tupa’t baka ay nagsi-pwesto sa likod ng mga baboy at nagsimulang ngumuya ng damo. Ang dalawang kabayong sina Bugoy at Caring ay sabay na dumating. Marahan silang naglakad, ingat sa paglapat ng kanilang mga paa sakaling mayroong maliliit na hayop na naikubli ng dayami.

Si Caring ay isang inahing kabayong nasa kalagitnaan ng ng buhay. ‘Di na nagbalik pa ang magiliw nitong hugis matapos iluwal ang ika-apat na anak. Si Bugoy ay isang pagkalaki-laking kabayo, halos labing-walong dipa ang taas, at sinlakas ng dalawang karaniwang kabayo. Isang puting tanda ang sa mukha nito’y gumuhit. Nagdudulot tuloy ito ng anyong kamangmangan. Sa katunayan nga, ‘di rin naman ito katalinuhan, ngunit batid ng lahat ang kaniyang matatag na ugali at kalakasan.

Matapos ang mga kabayo ay ang puting kambing na si Mariel, at si Benjamin, ang asno*. Si Benjamin ay ang pinakamatanda sa kabukiran, at ang pinaka-mainitin ang ulo. Madalang siya’ng magsalita, at sakali man ay madalas itong pakutya. Halimbawa na lang, sinabi nitong binigyan daw s’ya ng Panginoon ng buntot upang bugawin ang mga bangaw, ngunit mas mamaraptin na lamang raw n’yang mawalan ng buntot. Sa gitna ng iba pa’ng mga hayop, hindi s’ya tumatawa. Kung tinanong, ayon sa kanya’y wala naman daw katawa-tawa. Sa kabila ng lahat, kahit di pa man nito aminin, ay lubos ang kaniyang pag-ukol kay Bugoy. Madalas ang dalawa’y nanginginain ng damo ng magkasami sa may likuran ng kural ng kabayo. Magkatabi, ‘di kailanman sila’y nag-uusap.

Ang dalawang kabayo’y kakahimlay lamang nang nagsipasok ang mga bibeng nawalay sa kanilang ina. Nagsisihuni’t nagpapagala-gala upang makahanap ng lugar kung sa’n sila’y di matatapakan. Itinuwid ni Caring ang kanyang mahabang hita, at saka nagsisilong ang mga bibe’t dagliang nagsitulog.

Pagkatapos ay pumasok si Milay, ang ‘di katalinuhang kabayo na humihila ng kariton ni Mang Juan. Mahinhin itong pumasok habang ngumunguya ng kaunting asukal. Umupo ito sa may harapan at saka naglandi. Tawag-pansin ang puti nitong buhok na tinirintasan ng pulang laso.

Huling dumating ang pusa, na agarang naghanap ng pinakamalamlam na pwesto - sa pagitan ni Bugoy at Caring. Doon, ito'y mahinang nag-mimiyaw sa kabuuan ng talumpati ni Tandang Kapitan, ‘di alintana ang anuman nitong sabihin.

Ang lahat ng mga hayop ay naroon maliban kay Moises, ang maamong uwak. Ito'y natutulog pa sa may likuran ng kamalig. Na’ng nakita ni Kapitang ang lahat ay sabik na’ng naghihintay, siya’y nagsimula:

“Mga kasama, inyo na’ng narinig ang tungkol sa aking panaginip nitong gabing nakaraan. Ngunit bago ang lahat, nais ko’ng ipaalam sa inyo’ng nalalapit na ang aking wakas. Bago pa man ako pumanaw, marapat ko’ng ibahagi sa inyo ang dunong na aking nakalap sa tana ng aking pamamalagi sa daigdig. Sa aking pagninilay-nilay, palagay ko’y malalim na ang aking pag-unawa sa gawi ng buhay. Patungkol dito ang nais ko’ng sabihin sa inyo.

“Ngayon, mga kasama, ano ba ang katalagahan ng ating pamumuhay? Dapat nating akuin na ito’y nakahahambal, kay hirap at maikli. Tayo’y isinilang, tayo’y pinakakain lamang nga husto upang manatiling buhay. Ang ilan sa ating mayroon pa’ng lakas ay sapilitang pinagta-trabaho sa huling tagaktak ng ating pawis. Sa sandaling tayo’y wala nang silbi, tayo’y walang habas na kakatayin.

“Walang hayop sa Pilipinas ang nakalalasap ng kasiyahan at mga sandaling malaya matapos ang ika-unang kaarawan. Walang hayop sa Pilipinas ang malaya. Ang buhay ng isang hayop ay tunay na kaaba-aba. Tayo’y mga alipin, at iyan ang katotohanan.

"Ngunit ganito na lang ba ang payak na sistema ng kalikasan? Sadya ba’ng kay hirap ng ating bayan kung kaya’t hindi maaaring ang lahat ng nabubuhay rito ay marapat na matustusan? Hindi mga kasama! Hindi! Ang lupain ng Pilipinas ay mataba, ang klima nito’y mabuti. Kaya nito’ng magpatubo at maglago ng pagkain para sa lahat ng mga nilalang na dito’y naglalagi. Ito’ng ating bukirin lamang ay kayang bumuhay ng dose-dosenang kabayo, dalawampung baka, daan-daang tupa – at lahat sila ay mabubuhay ng matiwasay at mahusay, bagay na ngayo’y isa lamang panaginip.

“Bakit nga ba tayo patuloy na umaayon sa ating kaaba-abang kalagayan? ‘Pagkat halos lahat ng bunga ng ating pagod ay ninanakaw ng sangkatauhan. Narito, mga kasama, ang kasagutan sa ating problema. Ito’y saklaw ng nag-iisang kataga – Tao. Ang tao ang nag-iisang tunay nating kaaway. Sa sandaling alisin ang Tao dito sa atin, ang sanhi ng gutom at kapaguran ay tuloy na’ng mapapawi.”

Itutuloy....

----

*asno - donkey

No comments: