Ang pera ay pagod
Sakit ng likod
Kakulangan ng tulog
Rayuma ng tuhod.
Ang pera'y magang mata
Ngawit ng leeg
Panahong ginugol
Di sa layaw, di sa hilig.
Ang pera'y panukat
Ng talino't galing
Ng tapang at sipag
Ng abilidad, ng tulin.
Ang pera'y panukat
Ng obligasyon at paglingon
Sa utang na loob
Sa pagkalingang naipon.
Ang pera parang wika
Nagbabadya, nangungusap
Ng kasiyahan o ng kakulangan
Ng ganda o kapangitan.
Ang pera nga ba
Ang s'yang namamagitan
At kumakatawan
Sa pakikipagkapwa't ugnayan?
Ang pera nga ba
Ang simbolo ng tatag
Na s'yang naghahayag
Ng pagkatao't kalooban?
No comments:
Post a Comment