Saturday, February 04, 2006

Dialektik

Tesis

Isinilang na kamalayan sa kanduangan ng pamantasan
Blangkong papel na nagtaglay ng sari-saring tala
Mayroong dagliang nalimot at agad na inayunan
Mayroong naglaon, lumawig, nawala.

Murang kamalayang umusbong at lumago
Sa pagitan ng mga guro't kamag-aral
Sa kalagitnaan ng katotohanang lumulukob
Lumuluob at nananatili sa apat na sulok

Ang kamalaya'y nasagi ng mga katanungan
Pilit nag-usisa ukol sa mundong umiinog
Ano'ng aking pagkatao? Bakit ako'y ako
Sa daigdig na naghihintay na ako'y lamunin?

Antitesis

Mula sa mga katanunga'y naglaro ang agam-agam
Lito, ako'y ako ngunit hindi.
And diwa'y isang buhay na bagay,
Hiwalay sa magulang, sa kamag-anakan,
Sa mga kalaro't kaibigan.
Hiwalay sa akin, sa aking kapaligiran.

At dahil ako'y hati sa dalawa, ninais ng aking malay
Na sa mundo'y pumalibot, maglakbay.
Nagmasid at nalunod sa lawak ng daigdig.
Anong saya at ligalig ang dinulot ng kalayaan.
Itinangi ng aking kabataan ang ganitong paglalayag.
Lahat ay maaari pagkat gising ang malay.

Sintesis

Ngunit ang diwa'y muling magbabalik
Sa kanlungan ng katawan
Pagkat kailangan nitong mamalagi sa ugat
Upang mabuhay.
Anong sakit at pait ang pilitang panunumbalik
Ang malay ay tumatangis na muling sasanib sa katawan
At doo'y magmumuni-muni, maninibago
Sa bigat.

Susubukin ang layong kaya nitong buhatin ang pasanin
Na s'ya namang manlalaban.
Ang tunggaliang ito'y mapait ngunit kailangan.
At sa kalaunan, sa katagalan ang dalawa'y magpapang-abot rin.
At mag-iisa. At magniniig.
Isang gising na malay sa natutulog na daigdig.
Sana.

No comments: