Isa na namang balitang nakakayamot!
Onli in da Pilipins nga naman na ang biyuda ng isang ex-Presidentiable ay maisipang "pamalit" sa kanyang yumaong asawa. Ano ba itu?
*Flashback Famas Awards: On behalf of my husband I would like to accept this award. Sniff Sniff.*
Katawa-tawa at tunay nga namang nakakayamot na ngayo'y tila nag-aalsa na naman ang isang grupo ng mga politiko, artista at mga samu't saring asungot na nais yatang manggulo habang ang administrasyong Nunal ay mala-bampirang humihigop sa mga kusing at sentimo ng bawat Pilipino.
Halatang sinasamantala ng grupo ng mga asungot na ito ang kasalukuyang pagkadismaya ng mga tao sa iba't-ibang paraan ng pagtugon sa krisis piskal ng pamahalaan at ang mga epekto nito; ang VAT, ang pagtaas ng petrolyo, pamasahe, toll, tubig, kuryente, mga pamilihin at liposaksyon!
Ang tanong, ano kaya ang ang pakay ng mga asungot na ito na hanggang sa ngayon ay ginagamit ang tila mala-agimat na pangalan ni FPJ?
Sa palagay kaya nila ay mag-aalsa masa ang mga fans ni FPJ upang itaob ang Administrasyong Nunal? At kung gayon, alam kaya ni Susan Roces na pihong gagamitin lamang s'ya at ang alaala ng kanyang lasenggong asawa upang maisakatuparan ito? At mauunawaan naman kaya ng mga Pilipinong target ng moro-morong ito na sila'y gagamitin rin upang ang Grupong Asungot naman ang pumalit sa gobyerno at magpatuloy na magpasasa sa yaman ng bayan?
Tunay ngang nakakatawa sapagkat sa bayang ito, ang pulitika ay talaga namang parang pelikula. May script, may mga aktor at lahat ay nagaganap sa entablado ng media. At pagkatapos na magpalitan ng mga maanghang na salita at ng mga pangako ng kaginhawaan, magsisiuwian ang mga manonood, papatayin ang mga ilaw at magsasara ang teatro.
Pagkatapos ng moro-moro ay wala namang tunay na nagbago. Magpapatuloy na magpayaman ang mga pulitiko sa kaban ng bayan at magpapatuloy ang pag-inog ng kanya-kanya nating mundo. Papugak-pugak at lalong naghihingalo, pero umiinog.
Kailan kaya tayo titigil sa pagtitiis sa mga kundisyong ito kung saan lahat tayo'y kailangang mabuhay? Kailan kaya natin mauunawan na ang lipunang ginagalawan natin ay patuloy na bulok sapagkat hinahayaan natin ito?
Hemingway, tuloy ang ligaya ni lola Susan habang nalalanta naman ang pamumukadkan ng Pangulong Nunalin. Siguro bulag at pipi na lang ang di makakapagsabi nito. Kailangan pa ba ng mga sarbey sarbey? (Oo, kasi kailangan ng trabaho ng is prop ko sa UP dati.) Hay gulay. Ganyan talaga ang buhay. Sige mga ka-blagista. Ilabas na ninyo! Ilabas na ninyo ang nagngangalit ang naghuhumindig ninyong buwisit at pagkadismaya sa mga weblag n'yo! Hala! Humayo't magparami!
No comments:
Post a Comment