Buhay na Patay
Isinulat noong Miyerkules ng gabi.
Sa mga araw na ito, pakiramdam ko'y parang 'sang zombie. Naglalakad ng kay bagal, lumo, walang direksyon at lagiang bakante ang mukha. Nauuubusan na yata ako ng lakas, upos na kandila. "Steady lang Sparks, isipon mo ang kinabukasan. Halawin mo ang insipirasyon mula rito." Ngunit pilit ma'ng hawiin ang makapal na hamog na nagkukubli ng bukas, ginugupo ng tamlay ng ngayon.
Bakit ba, sa tuwinang lalabas ako upang magparoo't parito sa lungsod na semento't sangkatutak na tao, nais ko na lamang sa isantabi'y umupo at hayaang dumaloy ang panahon. Wala na bang iba? Pare-parehong kulay, amoy at pigura?
Sa isang lugar sa lungsod, maraming nakahandusay sa kalye, parang mga buhay na patay, kay papayat, kay dudungis. Sa tuwinang sila'y madaraanan, kumukurot ang inggit. Sapagkat sila, walang bukas na iniisip. Sapagkat sila, walang magulang o kapatid, walang trabahong dapat pagbutihin, walang babayarin. Sapagkat sila, wala nang hinihintay kundi ang magpakailanmang
idlip.
No comments:
Post a Comment