Sa Canada
Ipinagtatabuyan na'ko ng aking mga kamag-anak at kaibigan. Bakit ba sa tuwinang nababanggit ang hirap ng buhay sa bayang ito, at sa tuwinang naririnig ako ng ibang mala-litanyang isa-isahin ang kung anong mali dito sa atin, laging ito ang solusyong naririnig ko:
"Eh di mag-abroad ka na."
Noong isang araw tumawag ang isa kong Tita na ngayo'y naninirahan na sa Canada. Siya, at kalahati ng aking mga kamag-anakan. Kamu-kamusta, chismis ng kaunti.
"Kailang ka ba magbabakasyon dito? Hindi naman natuloy, nung Summer dapat 'di ba?"
"Ay Auntie, kasi po may pasok na. At saka mahal ang plane ticket! Halos linggo-linggo nagtataas ang dolyar."
"Bakit kasi 'di ka na lang dito na magtrabaho?"
"Ay, Auntie, sa tingin ko kasi mas kailangan ako dito."
"Sabagay, tatatlo na lang kayo d'yan. Hindi mo naman pwedeng iwan na lang si Mama mo."
Bagama't totoong tatlo na lang kami dahil sa pagpanaw ng aking ama at lola nitong nakaraang taon, hindi dito patukoy ang nasabi kong mas kailangan ako dito.
"Saka, sa ngayon po wala talaga akong planong mag-migrate. Sa kinabakusan malay natin." Para lang matigil na ang usapan. Kung ipaliwanag ko pa ang tunay kong pinapatungkulan, baka di rin n'ya maunawaan.
"Tama yan. Bata ka pa naman. Sige magpasarap ka muna d'yan."
Kumunot ang aking noo at nagpanting ang dalawa kong tainga. Tama ba ang narinig ko? Magpasarap muna sa Pilipinas? Nahihibang na ba ang kaisa-isahang kong tiyahin?
Huli s'yang pumarito nung namatay ang aking lola noong Abril. Siguro nama'y sapat nang makita n'ya ang hirap ng buhay dito. S'ya at ang iba ko pang mga kamag-anak ay 'di nagkulang sa pintas at reklamo;
"Ay, sa Canada, hindi pwede yang ganyan!"
"Ay, sa Canada alam mo kung saan napupunta ang taxes mo,"
"Ay, sa Canada makakain mo kahit ano'ng gusto mo."
"Ay, sa Canada, walang trapik!"
"Ay, sa Canada may disiplina ang mga tao."
"Ay, sa Canada, safe maglakad ng gabi."
"Ay, sa Canada, 'di kurakot ang mga politiko."
At pagkatapos mas masarap ang buhay dito?
1 comment:
you're aunt is right in all her 'pintas'
but Philippines is sweeter to live become it is where Filipinos belong.
Post a Comment