Para sa Gudang at Sa Lahat ng Mga Naninigarilyo
Ako'y nangungulila sa dating samyo ng paborito kong sigarilyo. Tila ba't sa mga nagdaang araw ay nag-iba na ang lasa nito at sa bawat hithit, ako na'y nagkukulang. Dati'y anong namnan, anong sarap ang laruin ito sa pagitan ng aking mga labi. Ang tamis na humihinang, nananatili.
Ang upos na itatapo'y katumbas ng panandaliang ligayang naramdaman sa pagkalinga nito sa aking mga daliri. Dalawampung minuto ng katahimikan, ng pagninilay-nilay, tangan ang aking sigarilyo. Ito'y kaibigan sa pag-iisa, kadaupang-palad na walang sumbat na nagdudulot ligaya. Kahit sandali.
Ngunit ngayo'y tila na ito'y ibig magpaalam. At tila ba'ng ipinagtatabuyan ng aking panlasa, ng aking katawan. Marahil siguro'y ang pangangailanga'y di na katindihan. Ang kalungkuta't pag-iisa ngayon ay napunan. Marahil sa kalaunan ng panaho'y ang tamis ng sigarilyo ko'y manunumbalik. At magdudulot ng panandaliang aliw. Kung kailan man may kailangan.
No comments:
Post a Comment