Kwentong Kanto
Sa kanto ng isang kalye sa Maynila, dalawang tambay ang nagpapalitan ng kuro-kuro habang umiinom ng samalamig upang maibsan ang init ng panahon. Si tambay A, at tambay B ay kampanteng namamahinga sa tapat ng tindaan ni Aling Nena.
A: Boboto ka ba?
B: Para saan pa?
A: Hindi ka ba nababahala sa kahihinatnan ng bayan natin kung hindi ka boboto?
B: Anong kahihinatnan? Nasa kamay ba ng mga lintek na ‘yan ang kinabukasan mo? Kung ganon, magpapasagasa na lang ako sa riles ng tren.
A: E syempre, nasa kanila ang lahat ng lehitimong awtoridad at kakayanan para patakbuhin ang bansa.
B: Patakbuhin kamo? Patungo saan? Dire-diretso pahulog ng bangin? Sa tingin mo ba, sa ginagawa mong pagmamaneho ng daan-daang pasahero araw-araw, hindi ka nagpapatakbo ng bansa?
A: Alam mo naman ang ibig kong sabihin. Kahit ilang daan pang tao ang ipagmaneho ko araw-araw sa pamamasada, hindi ko naman kayang paunlarin ang bayan.
B: Sa tingin mo ba, sa lahat ng mga pulitikong iyan, ay may isang kayang ituro sa atin ang daan patungo sa kaunlaran?
A: Oo naman, bakit hindi? E di ba, kailangan ng mga taong may alam sa pamamalakad ng ekonomiya? At makaresolba ng samu’t saring problema mayroon tayo ngayon. May alam ka ba sa ganun?
B: Wala. Sa tingin mo ba, si GMA may alam sa ganun? Kahit ba ekonomista sya, hindi sya Diyos.
A: E para saan pa yung pag-aaral nya? Ang alam ko nag-doktor pa yun sa Amerika. Siguro malaki-laki rin ang ginastos nun.
B: Malamang. Baka umabot pa ng milyon. E kung alam nya kung paano paunlarin ang ekonomiya dahil sa economist sya, bakit hindi nya sabihin at simulang gawin? Sa halip na kung anu-anong basura, paninira at intriga ang lumalabas sa administrasyon nya.
A : E syempre, di ba ganyan talaga sa gobyerno ? Maraming siraan, gamitan at garapalang pangungurakot ? Hayaan mo na sila sa ganyan, lahat naman talagang mangungurakot. Basta ba di rin nila malimutan ang talagang trabaho nila.
B: E kung batukan kaya kita? Sa kaiisip kung paano takasan ang mga intriga nya, sa pagpopropaganda nya dahil sa eleksyon, sa tingin mo may oras pa sya, at sampu ng mga tauhan nya, para mag-isip ng “ikau-unlad” ng bayan? At saka namputsa, alam mo ba kung ano yun? Kaunlaran? Nakakain ba yun? Anong kulay nun? Sige nga, sabihin mo sa akin kung anong ibig sabihin ng salitang yan.
A: Kaunlaran. Kaginhawahan. Kawalan ng kahirapan. E di ba yan ang pangako ng lahat ng tumatakbo kada may eleksyon?
B: Oo nga. “Ako ang sasagot sa problema ng Pilipinas! Ako ang magpapaunlad sa ating lahat!” Namputsa, anong ibig sabihin nun? Kaginhawahan kamo? Kung mumura ang mga bilihin sa palengke, giginhawa tayo. Bakit hindi nila sabihin kung paano nila gagawin yun?
A: At kung hindi mahal ang gasolina, hindi na sana kami mag-iistrike sa Lunes.
B: Tama. Kung hindi tataas ang tuition sa mga eskwela taun-taon, giginhawa ang bulsa ko at mapapag-aral ko ang lahat mga anak ko.
A: Pinapangako naman nila lahat yan a. Sa tuwing kumakandidato sila, di ba yan ang laman ng plataporma nila?
B: Nakarating ka na ba sa mga miting de abanse ngayon? Para kang nanood ng That’s Entertainment. Sige punta tayo, mainam para sa panandaliang aliw. Palaging maraming nagkakantahang artista. Libre pa.
A: Matanda na nga tayo. Wala nang That’s Entertainment ano! Patay na yata si Kuya Germs…
B: Ikaw na lang bumoto. Kailangan pa bang samahan kita? Ang init-init nun. Sayang lang sa panahon.
A: Sasayangin mo ang boto mo. Kung di ka boboto, at 10 iskwater iboboto ang kung sino mang kandidatong mamumudmod ng 500 piso sa lugar nila, di ka ba naaasiwa sa ganun?
B: Hindi. Sa tinagal-tagal nang may eleksyon sa Pilipinas, sa tinagal-tagal na na meron tayong tinatawag na Demokrasya, may nakita ka bang pagbabago? Para ano pang bumoto? Tulad ng pagbabayad ng buwis, parang ipinapasa-Diyos mo ang balota…hindi mo alam kung makakarating sa dapat paroonan. Tataya na lang ako sa lotto.
No comments:
Post a Comment