Maligayang Pasko
"Mababaon din sa limot," o di kaya "maghihilom rin sa katagalan." Sa pandinig parang kay hirap gawin. Parang kay hirap limutin ang sakit na idinulot ng kay tagal. Ngunit ang hindi alam ng kung sino man ang nagbibigay ng ganitong payo, at nang kung sino man ang makarinig, napakadali. Napakadaling isa-isantabi ang mga hinanakit upang ipagpaliban ang kagalingan.
Halos dalawang taon ang lumipas na hindi ko halos s'ya nakita o nakausap. Simple lang, umalis ako sa bahay ng walang paalam. Ang iniisip ko ng mga panahong iyon? Ayaw ko nang umabot sa pagkakataong masagot ko s'ya nang pabalang. Tama na ang isang beses na akala ko'y pagbubuhatan n'ya ako ng kamay. Umalis na ako sa bahay na 'di na magpang-abot ang aming galit.
Halos dalawang taon. Noong una'y hindi n'ya alam kung nasaan man kami ng aking kapatid. Sa katagalan malamang ay tinanong n'ya rin kay Mama. Ngunit di s'ya tumawag. Di n'ya na inusisa kung bakit. Marahil, Nainintindihan n'ya ang mga dahilan. Marahil, ayaw n'ya nang marinig.
Malinaw sa aking alaala ang huling pagkakataong s'ya'y aking nakita. Nakaupo ako sa harap ng computer. Madaliang tinatapos ang report ko para sa klase kinabukasan. Di ko namalayang pumasok s'ya sa pinto ng sala. Bago pa noon, marahil ilang buwan na rin ang nagdaan na di kami nagkita. Nagulat ako. Napatda. Ganoon din s'ya. Tila umagos ang panahon ngunit sa katunaya'y ilang sandali lamang ang lumaro sa aming pagitan. Ilang sandali ng katahimikan. Napansin kong para s'yang tumanda ng ilang taon. At bakas sa kanyang mukha ang bawat isa sa mga ito. Malumanay ang kanyang mata, na para bang may takot. bakit s'ya natakot sa akin? Gayong ako ang may pakiramdam ng takot at hiya sa kanya.
Napatigilan s'ya sa may pinto. Para bang ayaw nang tumuloy nang makitang ako ay nasa sala ng appartment na tinutuluyan ko at ng aking kapatid. Nakawala ako sa aking pagkagulat at naibulalas ang mahinang "Hi Pa." Di ko nakayanang ngumiti man lang. Tila nanigas ang bawat laman ng aking mukha. Tahimik s'yang lumapit sa akin at tiningnan ang monitor. "Tinatapos ko lang report ko para bukas."
Lumingon ako. Nakatingin sya sa aking ginagawa. May kung anong dahilan at inihain ko ang aking mukha sa kanya, at may kung anong dahilan na naintindihan n'ya na nais kong humalik. Tumungo ang aking tatay at dumampi ang labi ko sa kanyang pisngi. Na hindi ko ginawa ng halos dalawang taon. nanikip ang aking didbib ngunit di ako naluha. madaliang tumalikod ako at nagkunwa'y may tiningnan sa monitor. Lumayo s'ya at binuksan ang ref, kumuha ng tubig. "Susunduin ko lang ang mama mo." Ilang sandali pa ay dumating ang aking nanay, at saka sila na'y umalis. Iyon na ang huling sandaling nakapiling ko ang aking tatay.
Tatlong linggo ang dumaan mula ng gabing 'yon nang dahilan sa init ng ulo, at marahas na pagmamaneho ay sumalpok ang kanyang sasakyan sa may Edsa-Balintawak. Halos dalawang taon. Napakadaling makalimot ngunit paano kaya maghihilom? May mga bagay na aaakalaing hindi-hindi mapapatawad. Siguro ang pinakamahirap na dito ay ang salang ang magulang ay tao lamang. At ang magulang ay nagkakamali di lang minsan, kundi paulit-ulit. At sa pagmamatigas ng dibdib ng isang anak, ang ugnayang nawasak ay di na kailanman maitutuwid. Hindi saklaw ng pagpapatawad ang kabilang-buhay.
Sa ika-24 ng Disyembre ay kaarawan sana ni Papa. Isa na namang paskong wala na s'ya. Maligayang kaarawan at maligayang pasko.
(I posted this before, but its Christmas time again, so here it is. Some minor changes made.)
No comments:
Post a Comment