Marahil isang bagay ang naging maigting ngayong linggo sa diwa nating mga Pilipino – kung gaano kahalaga ang pagkatao ng ating mga pinuno at ang epekto nito sa pangkalahatang saliw ng buhay publiko.
Sa isang bahagi, ang pagkatao ng Pangulo ay produkto ng kulturang kinagisnan niya. At sa kabila naman, ang Pangulo ay humuhulma sa kultura ng kasalukuyan dulot ng kanyang impluwensya sa ating mga kinatawan at sa iba’t-ibang kagawarang pampamahalaan. Higit sa lahat na marahil, ang Pangulo ay ang pinakamaigting na personalidad ng ating pampublikong buhay. Siya ang tampulan ng parangal o kutya, depende sa galing o tumal ng kanyang pangangasiwa.
Ang kontrobersya ukol sa National Artists Award ay hindi kagulat-gulat. Ito ay umaayon lamang sa estilo ng pamamalakad ng Pamahalaang Arroyo. Sa Media in Focus kagabi, nabigyang diin ang pagsawalang-bahala sa proseso sa pagpili ng mga alagad ng sining na karapat-dapat parangalan. Sa pitong napili ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at CCP, isa ang tinanggal at apat ang idinagdag ni Pangulong Arroyo.
Ayon kagabi sa isang tanyag na manunulat at miyembro ng NCCA na si Butch Dalisay, halos dalawang taon ang prosesong ito. Ang parangal na ito ay galing mismo sa mga kapwa alagad ng sining. Totoo nga namang ang mga ibang artist din ang maaring makasukat ng galing at kalinangan ng isa’t isa.
Ipinagtanggol ni Carlo J. Caparas kagabi ang kanyang sarili sa matinding kritikong natamo na’ng siya’y pangalanan ni Ginang Arroyo. Dalawang bagay ang mensaheng pinariinan niya. Una, binalewala niya ang pagtutol ng ilang miyembro ng NCCA at CCP sa pagbigay ng parangal sa kanya. Mas pinahalagahan niya ang pagpili sa kanya ng Pangulo. Pangalawa, inakusahan niya ng pagiging elitista ang mga tumututol sa kaniya. Aniya, ang sukatan daw ng galing ay sa takilya. Ipinamukha niya na tila siya’y minamaliit dahil siya’y pinarangalan sa komiks at ang komiks ay maka-masa.
Mali ang ganitong mga argumento ni Carlo J. Caparas. Sa larangan ng pelikula na halimbawa, hindi maaaring akusahan si Lino Brocka, isa nang National Artist, sa pagiging ‘elitista’, kung ang ibig sabihin ay hindi maka-masa. Ang mga pelikula ni Brocka ay walang tawad na tumutuligsa sa sistemang lumilikha ng api sa ating lipunan.
Isa pa’ng ibig sabihin ng ‘elite’ ay pinakamagaling. Hindi ba tama’ng piliin at ipagpugay ang pinakamagaling sa larangan ng sining? Sa gayon, ang standard ay mataas at ang mga nanalo ay maaaring magsilbing halimbawa sa iba pa’ng mga artist? Sa kahit ano’ng larangan, hindi ba’t tayo’y humahanga sa mga taong sa tingin natin ay magaling?
Ikalawa, tumaas ang kilay ko na’ng sinabi ni Caparas na mas pinahalagahan niya ang pagpili sa kanya ni Ginang Arroyo. Para ito’ng sampal sa mukha sa kapwa niya mga artist. Para nga namang nawalang saysay ang kategoryang ‘National Artist.’ Ang mensahe nito ay - ang parokyano ni Gloria Arroyo at nagsilbi ka sa kanya ng mabuti ay sinusuklian. Kung gayon – kung gusto mo’ng umasenso, tumanyag at gawaran ng parangal bilang artist – hindi mo na kailangang magpakadalubhasa. Lalong hindi mo kailangan ng respeto ng mga kapwa mo artists. Ang kailangan mo lang ay basbas ng Malacañang. Iba yatang set of skills ang kailangan mong hasain kung ganyan ang sukatan.
Ginawaran si Carlo J. Caparas ng award sa kategoryang “Visual Artist.” Pagkat may ibang umani ng parangal sa “Film”, hindi ito dahil sa sining ng kanyang mga massacre movies. Ito ay dahil sa kanyang gawa sa komiks.
Sa video na ito ipinaliwanag ni Gerry Alanguilan, isang comic artist, na hindi si Caparas ang “visual artist” ng mga komiks na pinatanyag niya. Iba ang mga nag-dibuho o nag-drawing. Si Caparas lamang ang nagsulat. Kung sa gayon, dapat siya’y pinarangalan sa kategoryang literatura.
Hindi sa pelikula, hindi sa visual arts at hindi sa literatura. Hindi tuloy maikaila na isiningit lamang talaga si Caparas at ang tatlong iba pa sa listahan ng mga nanalo. Ayon kay Dalisay kagabi, hanggang ngayon ay hindi pa rin lumalabas ang komite umano ng Palasyo na nagdagdag ng apat na ito.
Bilang isang ordinaryong mamamayan na wala’ng alam sa mundo ng sining, ito ang ilang obserbasyon ko. Walang sinasanto ang “executive privilege” ni Pangulong Arroyo. Ultimo National Artist award, pinapatos. At huli, kung hindi nangingiming magdagdag-bawas sa National Artist Award, lalo na siguro sa National Election ano?
No comments:
Post a Comment