Isang sagot kay Reyna Elena.
Ang blogging ay ‘di iba sa pagtitipon-tipon ng mga mamayan sa mga kapulungan noong mga panahong wala pang mass media at lalo na ang internet. Sa aking wari, isa itong paraan upang maipahayag ng kahit sino’ng kabilang ng isang komunidad ang kaniyang saloobin ukol sa pamamamaraan ng pamamalakad ng kaniyang pamahalaan.
‘Di dapat gawing sukatan ang antas ng edukasyon o karanasan sa ‘pulitika’ ang karapatang mag-blog ukol sa pulitika. Kung lahat tayo’y nagbabayad ng buwis, mula sa mga CEO ng mga kumpanya hanggang sa mga nagtitinda na taho sa kalye (na nagbabayad din ng VAT), lahat ay dapat bigyan daan upang mag-hayag ng hinaing o pagsang-ayon sa ating buhay pulitikal. Ang kayod nating lahat ay sinsamsam ng estado, sa gusto man natin o hindi. Lahat tayo ay napapailalim sa mga batas na nililikha ng estado, sa gusto man natin o hindi.
Isang mahalagang elemento ng demokrasiya na pakinggan ang mga haka-haka at kuro-kuro ng lahat. Kakabit nito ang pagtanggap na lahat ay may kakayanang mag-isip para sa kaniyang sarili patungkol sa mga nilalaman ng balita halimbawa o sa mga desisyong ipinatutupad ng Malacañang. Dahil ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa, at karamihan sa mga mamayan nito ay salat sa pormal na edukasyon, ang ibig ba’ng sabihin nito ay dapat na isawalang-bahala ang boses ng nakararami? Para ano pa kung gano’n ang eleksyon? Para ano pa kung sa gano’n ang pagbibigay ng mga baseng karapatan sa bawat Pilipino, lalo na ang karapatan ng malalayang pamamahayag o free speech?
Sa pamamahayag ng ating iba’t-iba at madalas ay nagbabanggaang opinyon, nalalaman ng madla ang mga sala-salawing panig. Sa gayon ang madla ay maaaring makapagpasya kung anumang panig ang kanilang kikilingan o hindi.
Ang pagiging ‘intelketwal’ ay isang pang-uring ‘di saklaw ng kung ilan lamang. Lahat tayo ay nag-iisip. Maaaring iba’t-iba ang ating pagtingin ukol sa pulitika, at sa gayon ay iba’t-iba rin ang ating mga hinahangad ukol sa pagpapatakbo ng mga bagay-bagay at kung sa’ang direksyon patutunguhin ang bayan. Ang mga hinaing at kuro-kuro halimbawa ng isang accountant sa Makati ay iba sa mga hinaing at kuro-kuro ng nagtitinda ng samalamig. Hindi dapat na bigyang higit na timbang ang isa sa isa dahil tayong lahat ay nabibilang sa isang pampulitikong komunidad.
Ang kredibilidad sa pamamahayag sa media ay inaani mula sa iba, hindi ibinibigay sa sarili. Sa kauna-unahang pagkakataon – lahat ng mga mamayang Pilipino na may kakayanang magsulat at mag-access ng internet ay maaaring mag-blog at maghayag ng kanilang saloobin ukol sa Pilipinas, sa gobiyerno, sa kapwa Pilipino. Sa kauna-unahang panahon, maaari tayong gumawa ng diskurso at pakikipagtalastasan bilang mga mamayan sa labas ng saklaw ng organisadong mass media at ng kung anumang opisyal na pagtingin ng mga makapangyarihan.
Ang mahalaga siguro ay ang makinig sa isa’t-isa, kumalap ng makabuluhang impormasyon at magpasiya sa ikabubuti ng lahat. Ang impormayson ay maaaring manggaling sa napakaraming panig. Mas mabuti na sigurong mas maraming panig kaysa sa nag-iisang panig. Ang pagtiyak kung ano ang malaman o hindi, ang may bias o hindi, ang kapaki-pakinabang o hindi, ay nakasalalay sa ating sariling kunsensya at pag-iisip.
No comments:
Post a Comment