Isa marahil sa mga dahilan ng aking 'di pagsang-ayon sa mga elementong 'rebolusyonaryo' patungkol sa pagbabago ay ang agarang pagtanggap na ang lunas ay kinakailangang marahas. Ang tunay na pagbabago, a'nila ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng dagliang paglupig sa poot na sistema at ang pagluklok sa isang mas 'mapagpalayang' pamahalaan at lipunan.
Kung susuriing mabuti ang pinagmulan ng kaparaanang ito, ito'y nagmula sa taktikang Maoist na nagtagumpay sa bansang Tsina, kung saan naitaguyod ng sandatahang lakas ni Mao and is kumunistang rehimen. Marahil isa pa'ng inspirasyon ng mge rebulusyonarong kilusan sa Pilipinas ay ang halimbawa ng Cuba. Ang kaparaanang ipinipilit na gamitin magpasahanggang ngayon ay ang digmaang girilya.
Ang karahasan, ang paggamit ng armas at pagsasanay sa digma ay muling binigyang diin ng isang dokumentaryong lumabas sa YouTube kamakailan. Dito idinetalye ang mga gawain ng New People's Army. Mapapansing ilang beses na ginamit ang mga salitang 'giyera,' 'laban,' at 'taktika' habang ipinakikita ang mga kalalakihang tangan ang armas. Sa ilang beses na ipinakita ang mga kababaihan, sila'y biktima ng karahasang militar, mga inang nawalan ng anak, mga anak na binawian ng magulang.
Sa saliw ng maramdaming tugtugin, ang paglupig sa pwersang NPA ay inilapat sa pang-aapi sa 'masang' Pilipino.
Kapansin-pansin na walang ipinag-iba ang lingwahe ng NPA sa lingwahe ng militar. Sa parehong panig, ang solusyon sa paglutas sa mga suliranin ng bayan ay dahas. Ngunit sino ang gumagamit ng dahas? Sino ang may tangan ng armas? Sino ang susugod sa laban? Sino ang kakalabit sa gatilyo? Sino ang walang habas na magpapatayan? At habang ang mga ito'y nagaganap, sino ang masasaktan sa pagitan?
No comments:
Post a Comment