Bilang isang bagong tagatangkilik ng "malayang" pelikulang Pilipino, natutunan kong maging mapagpasensya bilang manonood. Sa aking mumunting karanasan sa mga obrang ito, at base na rin sa mga huli kong napanood (Sa Aking Pagkagising, Pinoy/Blonde, Room Boy), kadalasang "mabagal" ang mga unang 15 minuto ng eksposisyon. Marahil na rin siguro dahil sa nasanay na tayo sa estilong Hollywood kung saan mabilis ang editing at ang takbo ng kwento.
Ngunit sa kalauna'y iigting ang sayaw ng naratibo at ang manonood ay unti-unting maakit ng mga karikaturang biglang nabigyang buhay sa dunong at galing ng mga lumikha ng pelikula. Kailangan lang ng kaunting pasensya.
Kagabi ay isa ako sa mga 200-300 taong nagbukas sa CinemaOne Digital Festival sa UP Film Center. Tulad ng dati, kapag indie film ang pinapanood ko, handa ako sa kahit ano. Bukas ang isip. Pinapagpapaliban ang mga puna. Pero, isang oras na ang nakaraan, mukhang naghintay ako sa wala sa obra ni Jon Red (kapatid ng pamosong si Raymond Red). Ang kwento ay tungkol sa isang grupo ng filmmakers na gumawa ng isang documentary tungkol sa tiwaling kapulisan. Ipinain nila ang kanilang aktor na si Roman (ginampanan ni Ryan Eigenmann). Sa huli'y di na nila nakontrol ang mga kaganapan at tuluyan ngang nabiktima ang aktor.
Mga naghihiyaw na puna:
1. Komedi o Drama? Para bang 'di malaman ni Red at ng ganyang manunulat na si Ogi Sugatan kung komedi ba o drama ang pelikulang ito. Wala namang nagsasaad na 'di maaaring pagsamahin ang dalawang genre, pero kung gusto mong magpatawa, siguraduhin mong nakakatawa. Hilaw ang lahat ng mga sana'y katawa-tawang dialogue at kaganapan sa pelikula.
2. 'Wag kang mangako sa wala. Nangako ng suspense at drama ang unang eksena ng pelikula. May lalaking biktima ng dalawang tiwaling pulis. May tubo. Pinamalo, pinanghataw at ginamit sa kahindik-hindik na paraan sa isang maselang bahagi ng katawan. Pagktapos ay biglang bawi sa isang sarkastikong acceptance speech ng direktor (ginampanan ni China Cojuangco). Ang labo. Nangangalahati na ang kwento pero 'di nagbalik ang tensyon na ihinain ng pambukas na eksena.
3. Nasaan ang mga aktor? Bagamat may ilang piling aktor tulad ni Eigenmann, kahina-hinala ang pagpili ni Red kay China Cojuangco para sa mahalagang role ng direktor. Kahit ang mga 'di kilalang gumanap sa role ng dalawang tiwaling pulis ay 'di kapani-paniwala. Ultimong takbo ng mga dialogo ay 'di normal. Nagdirihe kaya si Jon Red?
4. Nasaan ang kwento? Basta't maganda ang script, kahit anong pangit ng direksyon, makikita ang ganda ng kwento. Sa lagay ng Anak ng Tinapa (na tinawag ni Sugatan na "Fish Chips"), kulang pa siguro ng reyalidad ang mga linya.
Bilang isang Pilipinong 'di madalas tumangkilik ng pelikulang Pinoy, tila ba pambihirang kaloob ang mga lokal indie films ng kasalukuyan. Panibago ito sa ating panahon. Kaya naman, sa tuwing may mga festival tulad nito, hanggat maari'y nais kong tangkilikin ang lahat. Ngunit anak ng tinapa ang Anak ng Tinapa. Sayang!
No comments:
Post a Comment